Punla

Tulad mo ba’y isang punla
Nang naitanim sa lupa.
Inaabangan ang iyong pagsibol
At sa huli sana ang tagumpay at ang iyong pagyabong.

Hindi man katiyakan ang iyong paglago,
Ang sa iyo’y nagluklok sa lupa
Sumusugal, naniniwala at patuloy na umaasa
Na sa paglipas ng panahon.

Matagal man ang kanyang hinintay,
Araw-araw ika’y dinidiligan,
Inaaruga kasabay ng taimtim na dalangin.
Sa bawat pagsikat at paglubog ng araw,
Bago magpahinga ang hapong katawan,
Ikaw muna’y susulyapan,
Aarugain ang lupa na iyong tahanan.

Nang sa wakas dumating ang araw
Na kanyang pinaka-aabangan.
Sumilip ang munting buhay mula sa iyong kinalalagyan.
Galak at tuwa ang kanyang naramdaman, nagbubunyi.

Iyan ka, tulad mo’y isang punla.
Itinanim ng ating Amang lumikha.
Na ang bawat pagsibol mo at tagumpay mo
Ay Kanyang kagalakan,
At ang bawat pagbagsak o pagkasira mo’y Kanyang kasawian.

Leave a Reply

Trending