Written by Realynne V. Samson


Kamusta, kabayan?
Ilang taon ka na bang nakikipagsapalaran sa ibang bansa? Nakulayan na ba ang mga iginuhit mong pangarap na dala-dala?
Kumusta ang pamilya mong iniwan, ang mga anak na pinananabikan?
Kumusta ang amo na iyong pinagsisilbihan?
Maaaring sa tingin ng iba, masuwerteng maituturing na nasa ibang bansa ka, dolyares na palitan kumpara sa kinikita sa sariling bayan.
Sa pangangamuhan sa ibang bansa, may mga pinapalad at ang ilan ay kabaligtaran naman at minamalas. Mabait na amo, kung pamilya ang turing sa’yo at sila lang ang paglilingkuran mo. Ibinibigay ang tamang benepisyo at pahingang nararapat at nakasaad sa kontratang pinagkasunduan ninyo. Ang tanong, paano kung kabaligtaran ng mga ito? Sahod na wala sa oras, pahingang hindi sapat, sikmura na halos bihirang malamnan, at ituturing kang makina na walang kapaguran.
Ngingiti sa bawat kuha ng larawan, animo’y lahat sa abroad ay napakagaan.
Sa likod ng mga ngiting iyon at pagak na halakhak ang panalanging sana’y palarin at makaipon ng ganap upang hindi na muling mangibang bayan. Kahit sumusuko na ang pagal na katawan, gustuhin man tumigil at magpahinga, sa tuwing maiisip ang pamilya at mga anak na sa ipapadala ay umaasa, na sa bawat pawis at dugong puhunan ang pangarap na pag-ahon sa kahirapan at sila’y mabigyan ng magandang kinabukasan. Ang kaisipang ito ang nagsisilbing lakas at pananggalang sa mga pagsubok pinagdadaanan.
Konting tiis na lang mga anak, pasasaan ba’t muli tayong magkakasama at mabubuo ang ating pangarap
Anong sakit sa isang inang katulad ko na ang anak ng iba ay inaalagaan ko, nasubaybayan ang kanilang paglaki, pinaglilingkuran araw at gabi, gayong ang sarili kong dugo’t laman ay hindi ko na mabilang ang mga importanteng okasyon na wala ako sa kanilang tabi? Sa tuwing meron silang dinaramdam ay wala ang kanilang inang dapat sana’y kakalinga. Ngunit ano ang aking magagawa? Tiisin ang animo’y saksak sa dibdib na isiping anak ng iba ang aking kinakalinga.
Ilang kontrata pa kaya ang dapat kong bunuin? Ilang panahon pang mawawalay ako sa aking mga supling? Kung pwede lang, kung maari lang, gusto ko nang mayakap at makasama ang pamilya ko sa aking inang bayan, ngunit paano ang kanilang kinabukasan?
Konting tiis na lang mga anak, pasasaan ba’t muli tayong magkakasama at mabubuo ang ating pangarap. Iyan ang dasal ng bawat magulang na nangungulila, ngunit nagtitiis para sa mga anak na hirang. “Konting tiis na lang, malapit na mga anak,” pangako sa sarili at sa mga anak na nasa kabilang linya habang sila’y kausap, habang ang luha’y bumabalong at impit na paghikbi pilit ikinukubli sa mga anak na nagtatanong, “kelan ka uuwi, Nanay?” tanong na ang tangi kong naisasagot ay ‘malapit na’ kahit ako mismo sa sarili ay hindi sigurado sa malapit ng sagot ko.
Patawad mga anak kung kinakailangan iwan ko kayo. Kung kayo’y nagsasakripisyo at nagtitiis sa sitwasyong ganito. Ayoko kasi danasin n’yo ang hirap ng buhay na pinagdaanan ko, kaya kinabukasan nyo’y pinaghahandaan ko. Patawad kung pag-aabroad ang naging solusyon ko. Pagsisikapan kong hindi magtagal dito upang kayo naman ang alagaan ko.
Hindi lamang ang mga tulad kong inang OFW ang nakakaranas ng ganito. Ako rin naman ay saludo sa mga haligi ng tahanan na piniling mangibang bansa. Mabigat na trabaho ay kanilang tinitiis para sa kinabukasan ng pamilya. Hindi matatawaran kanilang sakripisyo kahit lumalaki ang mga anak ng wala sa tabi nito.
Kaya lagi kong payo sa nagbabalak mangibang bansa, tibay ng loob ang puhunan. Hindi biro ang maging
OFW, puno ng luha at pagtitiis.
Mga sigaw ng amo at pangmamaliit ay dadanasin. Sikmura ay kailangang matibay, sa mga tirang pagkain na pagka minsa’y kailangan pagtiisan. “EXPECT THE WORST” ika nga dahil ang pangangamuhan sa ibang lahi ay hindi madali. Hindi pwede umayaw kapag nasigawan. Hindi pwedeng sumuko kapag napagod. Ang pagiging OFW ay hindi pamamasyal na pwede umuwi kapag kinainipan. Dito masusubok ang iyong katatagan. Matuto pahalagahan ang bawat sentimo ng sweldo upang sa pamilya’y makauwi at sila’y lubusang mayakap na.








Leave a Reply