Berdeng Damuhan

Ako’y lumaki kasama ang mga musmos na bata.
Pakikipaglaro ang kasiyahan sa tuwi-tuwina.
Paboritong laruin doon sa aming nayon,
Mula noon hanggang ngayon, binabalikan ang kahapon.

Kung akin lamang maibabalik ang masasayang alaala,
Ang buhay kabataan noon, ako’y inosente pa.
Anumang problema na aking naranasan,
Pamilya laging nariyan para ako’y gabayan.

Pakikipaglaro sa buong araw ang tanging iisipin,
Pagtanaw ng aking kalayaan ang tanging hangarin.
At nang nagkaroon ng pakpak, tila ibong naging malaya,
Pinakaaasam na pangarap, lahat makakaya.

Ako’y lumayo upang sa siyudad mag-aral noon.
Iniwan ang mga kaibigan, naputol ang komunikasyon.
Nagkaroon ng kanya-kanyang pamilya,
Nakalimutan na nga yata ang bawat isa.

Sadyang hindi maiiwasan na madulas at madapa sa daan.
Mahirap bumangon at lampasan, ito’y hindi matatakasan.
Ako ay mas tumibay sa mga pagsubok na naranasan.
Subalit hindi mapigilan ang aking nararamdaman.

Gustuhin ko mang bumalik sa musmos na isip at diwa,
Maitatama ang lahat ng nagawang di kaaya-aya.
Wala na akong magagawa, kundi maging masaya,
At buong pusong tatanggapin ang mga darating na biyaya.

Darating ang araw, mga kaibigan magkakatipon-tipon.
Gagawa ng bagong alaala na bubuo sa amin ngayon.
Gagawin ang mga bagay na dati naming kasiyahan:
Ang maglaro, tumalon at maghabulan sa berdeng damuhan.

Leave a Reply

Trending