Tiwala

Simpleng salita na madaling bigkasin,
Kadalasang naririnig, malalim ang ibig sabihin.
Kadalasang ibinibigay sa kaibigan, kapamilya o kaninuman.
Ihanda ang sarili anumang hatid sa buhay natin.

Sa aking kaibigan, ako’y lubos na nagtiwala.
Matatamis na salita, puso ko’y lumulukso sa tuwa.
Minsa’y nag-alok ng tulong, rason ay kanyang pagkukusa.
Nagdaan ang panahon, hindi mahanap at ito’y naglaho na.

Aking problema, idinadaan sa pagsulat ng tula,
Mapawi man lang ang pagdurusa sa puso’t diwa.
Ako’y patuloy na umaasa na ako’y kanyang maalala,
Tapusin ang iniwan na dulot sa akin ay pagdurusa.

Minsa’y napapaisip, noon ako’y kanyang pinagkatiwalaan.
Sa paglipas ng panahon, buong-buo ko itong inalagaan.
Hindi sumira kailanman sa lahat ng napag-usapan.
Subalit, kanyang isip nagbago ng hindi inaasahan.

Mga pangako niya’y bigla na lamang binitawan.
Ako’y kanyang iniwan sa sitwasyong hindi maintindihan.
O aking kaibigan, isang kapatid sa aking puso’t kaisipan,
Iyong mga pangarap sa buhay, agad mo nang nakamtan.

Anuman ang iyong dahilan, sana ako ay iyong balikan.
Patuloy na umaasa, Panginoong Diyos iyong puso ay haplusin.
Tiwala ko sa iyo’y patuloy pa ring nariyan.
Mga pangako mo sa akin, iyo din sanang tuparin.

August 2, 2020 Lifediary511

Leave a Reply

Trending