Pangarap

Pangarap kong maging isang mabuting anak,
Lumaking naghahangad ng pagmamahal.
Pamilya ipinakita at ipinaramdam,
Subalit sa puso’t isipan ito’y palaging kulang.

Pangarap kong maging isang mabuting ina.
Sa aking mga anak, sila’y napakahalaga.
Aking pagsasakripisyo, malayo sa kanila,
Mabigyang katuparan masaganang buhay nila.

Pangarap kong maging isang mabuting asawa,
Maging magandang ehemplo sa buong pamilya.
Suportahan ang kagustuhan ng bawat isa.
Aming samahan patuloy na gabayan ng mahal na Ama.

Pangarap kong maging isang mabuting empleyado,
Isapuso at bigyang halaga ang aking trabaho.
Pagmamahal at pag-aaruga sa aking mga alaga,
Aking gagawin upang kami’y laging masaya.
Aming pamumuhay mag-iiba kapag aming trabaho ay mawala.

Pangarap kong makauwi na ng permanente,
Makasama ang buong pamilya ng kampante.
Di iisiping may amo sa isang tabi,
Aking pagsisilbihan ang mga anak araw at gabi.

Pangarap kong, Panginoon, dalangin ko’y pakinggan.
Mga pangarap bigyan sana ng katuparan.
Kaming mga anak sa Iyo nananalangin,
Kami sana Iyong patuloy na gabayan at mahalin.

July 28, 2020 Lifediary511

Leave a Reply

Trending