
Inspirasyon (competition winner)
By Edina Bueza a.k.a. Faith Love (Horizons Advance Poet)

Ito ang kwento ng aking buhay, sana kapulutan ng aral at inspirasyon nang ilan sa katulad kong nakaranas ng iba’t-ibang pagsubok at hamon sa buhay.
Apat na buwang gulang nang maulila sa ama. Nag-asawa ulit ang nanay sa murang edad iniatang sa akin ang responsibilidad. Edad na anim na taong gulang natuto kami kumilos na magkakapatid, sa kusina at mag alaga ng batang kapatid lalo sa magdamag habang wala ang aming ina. Kami ang nagaasikaso at dahil ako ang bunso, ako ang inatasan magbantay ng mga bata sa magdamag: timpla ng gatas, palit ng lampin. Magigising ka na lang may bumatok sayo dahil nakatulog ka sa upuan habang karga ang bata. Magigising na puno ng dumi buong katawan dahil nagkalat ang pupu niya habang tulog ka.
Mahirap dahil sa bawat pagkakamali may hagupit, bugbog o palo araw-araw. Iyan ang nararanasan namin sa kamay ng aming ama-amahan. Hanggang nagkamuwang ganun ang senaryo palagi. Naging rebelde ako. Natutong uminom at magbisyo ng patago. Walang araw na hindi ako lumuluhod sa altar para humingi ng gabay at ipakiusap na sana maramdaman kong mahal ako at mahalaga ako sa pamilya.
Dumating ang punto na muntik na akong maabuso ng aking ama-amahan. Takot ang naghari sa puso, ngunit ang masaklap dito, hindi ako pinaniwalaan ng aking mahal na ina. Mas gugustuhin pa raw niya na hindi ako makita kesa mawala minamahal niyang kinakasama.
Paano kung palagi ka na lang ipagtabuyan para matapos na daw responsibilidad sa’yo. Sobrang sakit, at sa altar ko nalang iniluluha ang lahat. Ipinakikiusap na pagmamahal ni ina ay madama. Ginawa ko naman lahat ng gusto niya ngunit bakit kay ilap niya.
Paano nga kung palagi ka na lang ipagtabuyan para matapos na daw responsibilidad sa’yo. Sakit sobra sa altar dun ko iniluluha lahat
Kasalanan ng aking tunay na ama dapat ko nga bang pagbayaran? Luha at pasakit na kanyang naranasan , dapat ko rin bang maramdaman?
Hindi ba ako’y bunga ng kanilang pagmamahalan? Bakit tila ako’y hindi niya kayang hagkan? Nagpakalayo akong puso’y durog, isip ay tuliro. Lahat ng hirap dinanas halos hindi makatayo sa sariling mga paa at maging ang aking kamay walang lakas.
Hinamak buong pagkatao ko. Sa karamihan naalipusta ako. Ngunit ang maghiganti kailanman hindi ko gagawin. Dahil sakit na aking naranasan ay ayaw kong kanilang danasin. I have been verbally and mentally abused ng mga taong sobra kong minahal.
Itinakwil ng sariling kong mga anak dahil ang naibibigay ay hindi sapat o ang sinasabi nilang hirap mo’y balewala dahil hindi ikaw ang nag-aruga sa kanila. Taon ang lumipas bago kami ay muling nagusap-usap, ngunit ang hinanakit sa puso ko ay hindi mahagilap, bagkus, sa paghingi nila ng tawad buong puso at dalawang kamay ko silang niyakap. Wala silang kahit anong sumbat na narinig. Ina ako at mahal ko sila.
Depresyon aking naranasan. Pagkitil ng sariling buhay minsan pinagplanuhan ngunit sadyang Diyos ay maalam at isinugo niya ang isang angel sa aking harapan. Unti-unting ako’y nagising at muling lumuhod at nanalangin. Isunuko ang lahat ng pasanin sa Diyos Amang lumikha sa atin.
Sa muling pagkakamali, natutong bumalanse sa lahat nang nasa paligid. Natutong kumilatis at kumilala ng tao. Naging mapag-obserba sa bawat minuto.
Patuloy tayong mangarap at sabayan natin ng gawa at siguradong makamit natin ang tagumpay. Huwag kalimutan kahit anong marating natin sa buhay manatiling nakaapak ang mga paa natin sa lupa
Trauma ang inabot sa lahat nang naranasan ngunit kailanman hindi hinayaang na muling bumagsak ng walang laban. Babangon at magsisimulang muli na may ngiti sa labi Tatayo, kahit nahihirapan at ipakitang ako’y magtatagumpay. Darating ang panahon na mamamayagpag. Kilalanin ng lahat kahit sa yaman ay salat.
Sa kagandahang asal at pusong busilak, itataas ng Panginoon pagdating nang panahon upang ipagpatuloy ang gawaing sa utos Niya naaayon.
Nagsimula akong mag-impok. Taong 2017 nang pinasok ang investment. Sinimulan ko rin ang short term funds. Sunod ang paghulog para sa lupa’t bahay. Taong 2021 nagsimula ng long term funds. Kasabay ng pag-aaral, pati mga online webinar at free workshops ay pinasukan ko para mas magkaroon ng sapat na kaalaman sa negosyo at hindi mauwi sa wala ang lahat ng pinaghirapan ko. Sa ngayon nag-aaral ako ng ibat-ibang kurso sa TESDA upang magamit ko sa hinaharap.
Salamat sa pamilyang sa akin ay kumupkop at tumulong para manumbalik ang sigla
at tiwala sa sarili at kakayahan. Salamat sa HORIZONS isa kang biyaya mula sa itaas.
Patuloy tayong mangarap at sabayan natin ng gawa at siguradong makakamit natin ang tagumpay. Huwag kalimutan na kahit anong marating natin sa buhay manatiling nakaapak ang mga paa natin sa lupa. Salamat sa Diyos masasabi kong sa kabila ng lahat, mapalad pa rin ako.
Payphone (highly commended)
By Racel

While I was waiting for my friend in Causeway Bay, I noticed a row of telephone booths outside. They were already old, rusty and vandalised. Many people were passing by and no one even gave them a single glance.
There I met a kababayan, who sat beside me and greeted me with a smile. She was a petite lady and had a little bit of grey on her curly hair – she looked like she was in her 50s. I called her Nanay as we began to talk.
Nowadays, people already use smart phones, so out of curiosity I asked her, “Nay, do you think those telephones are still working?” She gently answered me, “‘di ko lang sigurado Ineng, matagal na yan diyan eh.”
Then she started explaining to me how important these payphones used to be to Overseas Filipino Workers (OFWs) back before cellphones were invented. She said, “alam mo ba noon Ineng pinipilahan namin yan. Kasi yan lang ang tanging komunikasyon namin noon para makausap ang mga pamilya namin sa Pinas,” “Dapat madami kang coins na dala kapag pumila ka diyan, para kapag na cut-off na yung call, shoot agad yung coins tapos dial ulit.” At that moment, some words popped into my mind: “I’m at a payphone trying to call home, all of my change I spent on you,” reminded me of some song lyrics with this exact scenario.
Then she continued, “lahat ng mga pumapasok diyan sa telephone booth, lalabas na umiiyak, yung iba nagpipigil lang ng luha habang kausap ang pamilya nila.” While she was saying those words, “oh my feelings”, I suddenly remembered my mother, ganun din kaya siya noon kapag tumatawag sa amin? Did she also cry inside the telephone booth? She was also an OFW before, back in the 90’s where Alcatel phones were released, at iilan palang ang nakaka-afford bumili noon. So the only way to communicate with her was through telephone calls or letters na aabutin pa ng isang buwan bago makarating sayo.
Alam mo ba noon ineng pinipilahan namin yan. Kasi yan lang ang tanging komunikasyon namin noon para maka usap ang mga pamilya namin sa Pinas
I asked her again, “ilang taon ka na po dito Nanay?” she said, “ay naku Ineng, 24 years na ako dito. Teacher ako dati sa atin. Four years old yung panganay ko tapos eleven months old lang yung bunso ko nung iniwan ko sila para mag-abroad. Sa awa ng Diyos napatapos ko sila ng pag-aaral, at ngayon may mga sarili na din silang pamilya.” Then I said, “Wow! 24 years po?!” Maybe she saw my puzzled look, as I still wanted to ask her a lot of questions, so she continued talking to me.
(Killing time outside because we are both waiting for someone)
She added, “ang swerte niyo nga ngayon kasi may cellphone na. Kahit anong oras pwede niyong ka-video call ang mga pamilya nyo. Makikita mo sila ng buo. Noong panahon namin, nako pahirapan. Kapag ako na ang nakahawak sa telepono, iniiyak ko nalang yung pagkamiss ko sa pamilya ko.” Dagdag pa niya, “ang mahirap pa, yung mabalitaan mong may sakit ang mga anak mo. Tapos ibubulong nila sayo sa telepono, ‘umuwi ka na Mama’, ay sinasabi ko sayo, ang hirap Ineng. Yung mga halik at yakap ko sa kanila hinahawak ko nalang ng mahigpit sa telepono. Tapos sandali lang yung pag-uusap namin kasi madami pang nakapila sa likod ko. Mga excited din maka-usap ang pamilya nila.” Napahawak sa kamay ko si Nanay habang nagkukwento. “Ngayon tignan mo, halos wala nang gumagamit niyan. Baka nga sira na yung iba diyan dahil sobrang luma at kinakalawang na.”
My conversation with Nanay was suddenly cut-off when my friend arrived, so we said our goodbyes.
Batangueña pala etong si Nanay, we were just strangers a while ago, but after sharing that heartfelt talk, it made me appreciate the importance of these payphones to the OFWs before.
I can’t imagine how they survived the homesickness. No video calls, just the voice of their loved ones. Nakaka-amaze lang. Makes me think how many litres of tears have been shed inside those payphone booths.
Ang bukang-liwayway at takipsilim
By Brenda

Ang buhay ay parang paglubog at pagsikat ng araw. Sa bawat araw na daraan ay may namumuong palagiang pag-asa sa mga palad ng isang OFW. Ang pag-asang aming pinanghahawakan sa aming mga kamay – pag-asa na siyang balang-araw kami’y makakaahon din sa buhay, pag-asa na ang aming mga pamilyang naiwan sa Pilipinas na sinilangan ay amin ding makakasama, pag-asa na siyang pagdating ng panahon lahat ng aming pinaghirapan ay magbubunga.
Sa bawat dapit hapon na darating aming kalungkutan ay nagsisimula nanamang bumalot sa aming kaluluwa. Kalungkutan na siyang karamdaman ay pangungulila, na sana kami ay nasa piling ng aming pamilya, akay-akay ang mga anak, kumakain ng sabay-sabay sa hapag at higit sa lahat nagkukwentuhan ng mga pangyayari sa aming buong kahapunan.
Tila nga baga ang buhay ay kay hirap ngunit araw-araw, sa kadahilanang walang karapatang mapagpipilian, kami ay magbabanat buto, magkukuskos ng inidoro, kakain ng tira ng mga amo at higit sa lahat iiyak mag-isa sa kwarto dahil sa pangungulila, ngunit ang lahat ng
ginagawa naming ito ay para sa pamilyang naiwan namin sa Pilipinas. Para sa akin ang buhay OFW ay tunay ngang naglalarawn ng paglubog at pagsikat ng araw, palagian. Kung sapat lamang at may ganap na kita sa aming bansang pinanggalingan, may tinapos man o wala, wala sigurong ina, ama, anak, o kung sino man sa kapamilya ang pupunta ng ibang bansa upang ipagsapalaran ang buhay para kumita ng malaking halaga na higit sa kinikita sa bansang pinanggalingan.
Ilang araw, buwan, taon na ba ang lumipas? Ilang kaarawan, pagtatapos at selebrasyon na ba ng pamilya namin ang aming hindi napuntahan? Magkaroon man ng kadiliman ay magkakaroon din naman ng liwanag. Na parang ipinahayag na ang araw ay sumisikat nang matagumpay, nagpainit sa lupa, na ikinakalat ang kanyang kumikinang na silaw. Tulad ng isang simbolo ng kagalakan ang mga sinag ay tinutugis ang huling mga anino na dating sumasamo sa kalungkutan. Ang gabi mismo ay ang pinakasikat ng kalungkutan, ang pagiging kamatayan at kadiliman, kung saan ang pagsikat ng araw ay ang tagapagdala ng pagsilang, ang sagisag ng bagong buhay at muling pag-asa.
Napakalungkot ng buhay ng isang OFW tuwing sasapit ang kinahapunan ngunit pagsapit ng umaga panibagong pag-asa nanaman ang dadaan.








Leave a Reply